Thursday, October 4, 2012

Enero 9, pinaka-aantay na petsa taon taon ng mga deboto naniniwala sa himala ng rebultong ito. Milyong-milyong debot ang handa gawin ang lahat kahit alam nilang buhay ang kapalit. Kasiyahan na nilang maka-hawak lang kahit sa hibla ng lubid na naghihila sa sasakyang nagdadala sa rebulto at iniikot sa buong Maynila. Yan ang "Image of Black Nazarene" o ang "Itim na Nazareno"



Ito ay isang bidyo na kinuha noong Enero 11, 2011 ng Tv Patrol. Dito pinapakita kung paano naghahanda ang Simbahan ng Quiapo at ang mga tao lalo na ang mga matagal ng deboto.



Part 1



Part 2


Part 3



Itim na Nazareno



Historya:

Isang hindi pa nakikilalang Mexikanong karpintero ang umukit ng Itim na Nazareno at dinala ito sa Pilipinas noong Mayo 31, 1606 gamit ang galyong barko galing Acapulo, Mexico. Bago pa ito dalhin sa Pilipinas, puti pa ang kahoy nito. Sa paglalakabay nito ay nasunog ang barko na nagdala sa rebulto kaya naging sunog ang kulay nito. Pinaniniwalaang mahiwaga at nagpapagaling ang Itim na Nazareno dahil kahit nasunog ang kulay nito, buo pa din ang katawang kahoy nito.

May dalawang rebulto ng Itim na Nazareno ang nadala sa Pilipinas. Yung una ay yung pinaka-una at pinakasikat na Itim na Nazareno na itinago sa Simbahan ng Santo Nicholas de Tolentino sa Bagumbayan at inilipat sa Intramuros noong sinira ang lumang gusali.Naging parte ito ng Araw ng Palaspas kung saan sinira ang rebulto sa Labanan sa Maynila noong Pebrero 1945. Ang isang rebulto naman ay binigay sa Recollect Priest sa Simbahan ng Quiapo na napagkamalan na ito ang rebulto na nasa Intramuros.

Dahil sa kagustuhang maprotektahan ang orihinal na rebulto ay nagpagawa ang mga pari ng Simbahan ng Quaipo ng replika pero ang orihinal na ulo at kamay ay nilagay sa replika para mas maipakita sa mga tao na totoo talaga na mahiwaga ang Itim na Nazareno.

Kontribusyon:


Ang debosyon sa Nuestro Padre Jesús Nazareno ay nakahatak ng milyun-milyong mga deboto kung saan nagmula ang katanyagan sa timog at hilagang bahagi ng Luzon at unti-unting lumaganap sa buong bansa.

Ang katangi-tanging debosyon na ito ng mga Filipino sa Itim na Nazareno ay nakapagbigay ng karagdagang papuri mula sa dalawang papa: sina Innocent X noong 1960, sa pagkakatatag ng Cofradia de Jesús Nazareno at Pius VII noong 19th century, sa pamamagitan ng pagbibigay ng indulhensya sa mga nagdadasal sa imahe ng Itim na Nazareno.
Sa kasalukuyan, ang debosyon sa Itim na Nazareno ay patuloy na nagbibigay ng sigla at kapayapaan sa mga deboto sa kabila ng mga sakit, galos, sugat at kung minsan ay kamatayan na nagaganap tuwing prusisyon, at tila 'di inaalintana ng mga deboto.

Mahigit 200 taon nang ipinagdiriwang ang kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno at ang estatwa nito ay inilalagay sa isang karwahe tuwing Enero, gamit ang makapal na lubid at ipinaparada sa mga kalye ng Quiapo ng mga debotong lalaki na nakasuot ng kulay maroon. Ang mga Katoliko na nagmula sa buong ka-Maynilaan ay sama-samang dumadayo sa Quiapo upang makakuha ng pagkakataong mahawakan ang imahe o di kaya ay magkamit ng isang milagro. Naghahagis din sila ng tuwalya sa mga lalaking nakabantay sa estatwa ang hinihiling na ipunas ang kanilang tuwalya sa estatwa sa pag-asang madala nila ang milagro sa kanilang pag-uwi.

Opinyon ng ibang tao ukol sa Itim na Nazareno 


Mula sa Abante Online na sinulat ni Ellen Tordesillas:

Isa ako sa hindi nakaka­intindi sa milyun-milyon na Pilipino na sinusuong ang hirap at peligro para makasama at makalapit sa Poong Nazareno na ginaganap tuwing ika-siyam ng Enero sa Quiapo.
Tama siguro ang sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle na para maintindihan, kailangan magiging ‘devotee’ ka ng Nazareno.

Ang prusisyon kahapon ay ang pinakamahaba sa buong kasaysayan ng Itim na Nazareno sa Quiapo. Biruin mo, nagsimula ng mga alas-otso ng umaga ng Lunes, Enero 9 sa Luneta pagkatapos ng misa at dumating sa Quiapo church alas-sais ng umaga ng Enero 10.

Maigsi lang ang distansya na ‘yan. Kung lalakarin mo ‘yan (palagi naming nilalakad ang ruta na ‘yan nu’ng nagra-rali kami nu’ng panahon ni Marcos), hindi ka siguro aabutin ng isang oras.

Mga walong milyon daw ang dumalo sa prusisyon at katulad ng nangyayari taun-taon, marami na naman ang nasaktan.

Ito ay sa gitna ng babala ni Pangulong Noynoy Aquino mismo na may banta ang mga terorista na maghasik ng lagim habang nagpu-prusisyon. Mabuti naman at walang nangyari. Alerto ang buong kapulisan at mga sangay ng gobyerno na may kinalaman sa seguridad.

May mga oras pa nga na pinatay ng mga cellphone companies ang signal dahil karaniwan kasi ngayon, cellphone ang ginagawa para magpasabog ng bomba.

Sinabi ng mga na-interbyu na mga devotee na panata raw nila ang sumali sa prusisyon at mahawakan ang Poong Nazareno. Ang iba ay nagpapasalamat sa ibinigay na biyaya ng Panginoon at ang iba naman ay may hinihiling katulad ng pagpapagaling ng mga kamag-anak na may malalang sakit.

Ang hirap lang, sa tindi ng kanilang panata at panga­ngailangan, nakakalimutan na nila ang kabutihan sa kapwa-tao. Nakikita natin kung paano magsiksikan, at nagtatapakan para lang makalapit. Ang iba nga na nasak­tan, natapakan nang sila ay natumba.

Sinabi na rin ‘yan ni Archbishop Tagle sa kanyang sermon na hindi maka-Kristyano ang gagawa ka ng ikakasakit ng kapwa-tao para lang makamtan mo ang iyong gusto. Ngunit wala ring nangyari, kanya-kanya rin ang nangyari.

Sabi nga ng entertainment writer na si Isah Red sa Facebook, ang nakita natin kahapon ay hindi debosyon -- fanaticism. “What you saw on the news tonight on the Nazarene procession is not devotion but fanaticism. I admire the strength of faith the people have on the Nazarene, but it is focused only on the image, not on the thing it represents, as an icon of Catholicism. This is no different from the Filipinos’ devotion to the Holy Child. Do they understand that the Nazarene and the Holy Child are one and the same Jesus Christ?”

Sana, hindi lang sa pista ng Black Nazarene ang ating panata sa Panginoon. Sana, kasama ‘yan sa araw-araw nating pamumuhay.


Mula sa Abante Online na sinulat ni Among Ed Panlilio:  

Bawat taon tuwing sasapit ang kapistahan ng Itim na Nazareno, tuwing Enero 9, namamangha ang buong bansa sa milyun-milyong kababayan natin na sumasali sa prusisyon sa Quiapo, Maynila.
Noong Lunes, itong prusisyon ay tumagal ng halos 22 oras.

Ang paniwala ng mga deboto ay kung matunghayan nila ang Nazareno, lalo na kapag nakahipo sila rito o ang panyo nila ay pinahiran ang imahen, ito ay magdudulot ng lunas sa kanilang sakit. At hindi na mabilang ang mga salaysay ng mga himala na naranasan ng mga deboto. Sa iba naman, ang kanilang pagsali ay bilang tanda ng pasasa­lamat sa naranasang himala.

Ang sabi nga ni Arsobispo Chito Tagle, para sa iba’y mahirap itong paniwalaan. Maaaring maintindihan lang ito kung ikaw ay isang deboto.

Tuwing pinag-iisipan ko ang pangyayaring ito, ang sumasapit sa akin­g alaala ay ang isang maliit at simple ngunit makahulugang kwento sa buhay ni Jesus. Maaari nating masundan ito sa Mateo 9:20-22. Mayroong isang ale na naagasan ng dugo sa loob ng labing-dalawang taon. Nagkagastos na siya ng malaking halaga ngunit walang doktor na nakapagpagaling sa kanya. Inisip niya na kahit mahipo lang niya ang laylayan ng damit ni Jesus, siya ay gagaling. Iyon ang kanyang ginawa at nagkahimala gaya ng kanyang inaasahan at pinaniwalaan.

Ang tanong ay iyon bang laylayan ang nakapag-gamot doon sa ale? Siyempre hindi. Si Jesus at ang kanyang pananampalataya kay Jesus ang naging sanhi ng himala. Ngunit ‘yung laylayan ang naging kasangkapan na kung paano napukaw ang damdamin noong ale upang ipahayag niya ang kanyang pananampalataya.

Hindi rin ang imahen ng Itim na Nazareno ang nagpapagaling sa mga deboto ng Quiapo. Ngunit ang nasabing imahen ang nagsilbing pampukaw o nagtulak upang ipamalas ng mga tao ang isang simple pero malalim na pana­nampalataya.

Mayroon pa ngang ibang paraan upang mapukaw ang atin­g pananalig na magdudulot rin sa atin ng gawain ng Diyos. Mara­ming paraan at pagkakataon na magpapamalas ng kanyang kapangyarihan ang Diyos. Ang mahalaga ay maging bukas tayo sa mga ito.

Ang hamon sa ating mga Pilipino ay kung paano natin gagamitin ang mga kababalaghan at iba pang mga biyaya hindi lamang para sa sarili o para sa pamilya. Ang lahat ng kagalingan natin ay dapat ilaan at gamitin para sa kapakinabangan ng samba­yanan.

Talaga namang magandang marinig natin ang mga deboto ng Quiapo na nag-uumapaw ang pasasa­lamat sa Diyos sa himalang tinanggap. Sana ay ipahayag rin natin ang buhay na pananampalataya at gamitin para sa pagbangon ng ating bansa mula sa kahirapan, sa katiwalian, sa kawalang pag-asa patungo sa matiwasay, marangal at malayang bansa.

Mula sa Balita Net na sinulat ni Mary Ann Santiago:

Kailangang turuan ang mga deboto ng tamang impormasyon at edukasyon sa tamang pagsamba at pananampalataya sa Itim na Nazareno.

Ito ang obserbasyon ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani matapos magpakita ng kawalan ng disiplina ang mga deboto na nagpupumilit na makapunas, makahawak sa lubid at makasampa sa karosa ng Itim na Nazareno kahit pa nakakasakit na sila ng kapwa deboto.

Ayon kay Bacani, kailangang ipaunawa sa mga deboto na hindi na kailangan pang sumampa sa andas at makipagbalyahan para makapunas o mahipo lamang ang imahe ang Poong Nazareno upang maipadama ang tunay na pananampalataya.

Ang paghawak sa kamay at pagpunas sa Poon ay hindi dapat maging tanda ng pananampalataya kundi ang importante ay ang paniniwala ng tao, aniya.

Paliwanag ni Bacani, hindi sa pamamagitan ng imahe o estatwa ang pagdedeboto dahil ang pananampalataya sa Panginoon ay nasa puso at isipan.

“Ang importante ay paniniwala ng tao, it is not the touch of the hand that matter kundi ang mahipo ang Panginoon sa pamamagitan ng pananampalataya,” paliwanag ni Bacani, sa panayam ng Radio Veritas.

“Ang ating paghawak sa kamay, pagpunas ay hindi dapat maging tanda ng pananampalataya. Hindi sa pamamagitan ng imahe ang pagdedeboto, dapat i-educate ang mga tao, ituon ang isip at pansin hindi lamang sa estatwa kundi ang inilalarawan ng estatwa na si HesuKristo na siyang puso, isip at pananampalataya. Kahit hindi mo mahawakan ang Poon kung matingnan mo sa pamamagitan ng pananampalataya ay lalo kang pagpalain,” dagdag ni Bacani. 

Pinansin naman ni Fr. Anton Pascual, executive director Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas 846, na marami sa mga nagpunta at sumali sa traslacion o prusisyon ay hindi masyadong nagsisimba at hindi naaabot ng Katesismo ng Simbahan.

Pansin niya, marami sa mga pumupuntang deboto ay hindi para magmisa kundi para sa prusisyon lamang kaya malaking hamon ito para sa simbahan na bigyan ng tamang edukasyon o turuan ang mga deboto upang magkaroon ng maayos na traslacion, debosyon at pananalig sa Poong Nazareno.

 

Mga ilang letrato ng Itim na Nazareno at mga Deboto





Tuwing ika-9 ng Enero, ipinagdiriwang ng mga deboto ang Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila. Dinudumog ng mga tao ang santong patron ng Quiapo, ang Nuestro Padre Nazareno, na dinala noong siglo 1800 ng Ordeng Recoletos at itinampok sa simbahang nakaharap sa tanyag na Plaza Miranda.



Ang mga deboto ng Itim na Nazareno ay nagsisimba tuwing Biyernes at tuwing Enero 9, ipinagdiriwang ang kapistahan ng santong patron, kung saan itinuturing ito bilang isa sa pinakamalaki at tanyag na kapistahan sa Pilipinas.



Ang debosyon sa Nuestro Padre Jesús Nazareno ay nakahatak ng milyun-milyong mga deboto kung saan nagmula ang katanyagan sa timog at hilagang bahagi ng Luzon at unti-unting lumaganap sa buong bansa.



Naririto pa ang ibang mga sites tungkol sa Itim na Nazareno 




References:

 


Filipino 101 - Group 4

Mr. John Teodorro

Dela Rosa, Michelle Anne
Delizo, Marphi
Enayo, Anna Feliza
Geronimo, Lea Anzhelika P.
Gomez, Cinderella

3 comments: